Pagbabago: Ang Teknolohiya sa Ating Panahon Ngayon

Kapag iyong marinig ang salitang pagbabago, ano ang unang pumapasok sa iyong isip? Kung ika’y magmamasid, ano na nga ba ang mga pagbabago na nakikita mo sa ating paligid? Anu-ano ang mga bagay na nagagawa ng mga pagbabago na ito sa ating mga kabataan pati na sa iba? At sinu-sino na nga ba ang nakararanas ng mga pagbabago na ito?

Hindi maipagkakailang habang tumatagal ay mas marami ang mga makabagong teknolohiya ang naiimbento sa ating henerasyon. Hindi naman kasi maitatangging matatalino ang mga tao, masipag at higit sa lahat ay malikhain. Ilan lamang ito sa kanilang mga maraming katangian na tumutulong upang marami rin ang mga bagay na kanilang magawa. Sa dinami rami nga ng mga bagay na ito ay hindi mo alam kung saan nag-umpisa ang tinatawag na pagbabagong ito.

Isa lamang ang Social media sa mga naimbento at patok ngayon lalo na sa mga kabataan. Noon pa lamang, nangangalap na tayo ng mga impormasyon dahil sa ating mga pangangailangan bilang estudyante o kaya naman bilang mga guro at trabahante. Habang tayo ay naghahanap ng mga impormasyon at ideya sa isang website ay hindi natin nalalaman na gumagamit na pala tayo ng tinatawag nilang Social Media.

Ngunit, ano nga ba ang Social Media? Ito ay ang sistema ng pakikipag-ugnayan sa mga tao kung saan maaaring magbahagi at makipagpalitan ng impormasyon sa isang Network. Tulad ng Facebook, Twitter, Instagram, Google at iba pa.

Naisip niyo ba, maliban sa pakikipag-usap sa ibang tao, pagbabahagi ng mga impormasyon at opinyon, ano pa kaya ang mga mahahalagang naitutulong sa atin ng pagbabagong ito? Naging mabuti kaya ito sa atin o hindi? Kung mabuti, sa tingin mo ba ay ganoon pa rin ito ngayon? Kung hindi, ano ang mga bagay na nakapagpapasama rito?

Malaki ang naging at magiging tulong nito sa atin lalo na para sa mga estudyante at mga nagtatrabaho sa malalaking kumpanya. Sa pamamagitan ng Social Media, magkakaroon tayo ng mas malaki at mas malawak na source. Makatutulong ito upang pagkunan ng mga kailangan nating impormasyon at mga ideya na hindi pa sakop ng ating kaalaman. Hindi lamang mga estudyante ang matutulungan nito – pati na rin mga guro. Makatutulong ito sa kanilang pagtuturo lalo na at mayroon ng Wi-Fi sa ilan sa mga paaralan sa ating bansa. Sa mga trabahante naman, mas marami silang produkto na magagawa gamit ang mga makabagong teknolohiya. Gamit naman ang Social Media ay mas lalawak ang kanilang access upang mas maipagbigay-alam nila sa maraming tao ang tungkol sa kanilang produkto. Madalas ang mga nagbebenta ng mga produkto ay gumagamit nito upang i-advertise ang kanilang mga pinamimili. Hindi ba at uunlad din ang ating bansa sa tulong nitong pagbabago?

Kung mayroon mang mga bagay ang nakabubuti sa pagbabago na ito, hindi naman mawawala ang mga masasamang epektong maidudulot nito. Ayon sa aking obserbasyon sa mga nakaraan kong eskwelahan, madalas makasagabal ang mga ito sa pag-aaral ng mga estudyante. Marami ang mga estudyante ang nawawala sa kanilang focus lalo na at lagi nilang hawak ang kanilang mga cellphone na tumutulong upang sila ay makakonekta sa Internet. Hindi na lamang kasi sa mga pribadong paaralan mayroong Internet na maaaring ma-access. Hindi na rin pahuhuli ang mga pampublikong paaralan sa ating bansa. May kamalayan na rin ukol sa mga ganitong bagay ang lahat ng mga estudyante – mahirap o mayaman, bata o matanda, babae man o lalaki.

Ngayong mas lumalaki na ako at tumatanda, mas lalo kong na-oobserbahan ang mga pagbabago sa aking paligid. Nakikita kong hindi natitigil ang mga pagbabagong ito kahit saan ka man magpunta. Ang mga probinsya na noon ay sinasabing nahuhuli sa mga makabagong teknolohiya ay halos sumasabay na sa mga malalaking lugar tulad ng Manila ngayon.

Ang mga kabataan na madalas kotse-kotsehan at manika ang nilalaro noon ay puro cellphone at tablet na ang hawak ngayon. Kahit na bawal gumawa ng mga accounts dahil bata pa ay mayroon na ring mga Facebook. Updated pa nga sa mga nangyayari ukol sa kanilang mga idolo at kung may girlfriend/boyfriend na nga ba ang mga ito. Ang iba ay nakikisama pa sa mga pangba-bash ukol sa mga bagay na hindi naman nila ganoon kaalam – gusto lamang talagang gumawa ng ingay sa Internet.

Nakakatawang isipin na kahit ang mga magulang natin – na siyang pumipigil sa ating gumamit ng mga Social Media noon – ay mahilig na ring magbukas ng mga accounts at makisama sa mga talakayan ukol sa mga napapanahong isyu tulad na lamang ng isyu sa pulitika. May mga larawan pa nga silang ibinabahagi sa iba imbis na ipa-develop iyon tulad noon.

Tila hindi na nga natin magagawang tigilin ang paglaganap ng mga taong gumagamit ng Social Media lalo na at halos lahat tayo ay naimpluwensiyahan na – mapabata man o matanda. Marami naman kasi itong naitutulong sa atin kung gagamitin lang talaga natin nang tama. Dapat alam natin kung paano limitahan ang ating mga sarili sa paggamit ng mga websites.

Sabi nga nila, Think before you click. Totoo naman kasi. Isipin na muna natin kung ano ang mga madudulot ng ating mga ipo-post sa ating mga sarili lalo na sa ibang tao. Ipapahamak ba natin ang ating mga sarili? May masasaktan ba tayo kung pipindutin natin ang Post button na iyan? Kailangan ay isipin natin kung ano ang mga masasamang bagay ang maaaring mangyari bago tayo kumilos. Hindi kasi natin alam kung ano ang mangyayari kapag masyado tayong padalos-dalos.

Published by Precious Jasmin

'99 | Architecture student | Dancer | Blogger | Amateur writer | Amateur Photographer | Sporty | Pink |

Leave a comment

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.